Bayanihan 3, pinaaaprubahan na sa Kongreso

Iginiit ni Marikina Rep. Stella Quimbo na panahon na para kumilos ang Kongreso upang aprubahan ang Bayanihan 3.

Kasunod ito ng 8.7% na pagtaas sa unemployment rate nitong Enero 2021 o katumbas ng 4 million na mga Pilipinong walang trabaho.

Hiniling ni Quimbo, ang well-targeted na pagtugon ng Kongreso sa epekto ng COVID-19 pandemic sa working class.


Umapela ang kongresista sa mabilis na pagpapatibay sa Bayanihan 3 upang maibsan ang epekto ng pandemya sa mga manggagawa.

Sa ilalim ng Bayanihan 3 ay isinusulong ang ₱52 billion na subsidiya para sa mga empleyado ng mga maliliit na negosyo, ₱30 billion na tulong sa mga unemployed, at ₱108 billion na ayuda sa bawat Pilipino.

Makakatanggap din ng capacity building assistance ang mga negosyong lubhang apektado ng pandemya tulad ng mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na layong akayin ang mga ito sa bagong business environment at mapanatili ang trabaho ng kanilang mga workers.

Pinamamadali rin ng mambabatas ang pag-apruba sa National Unemployment Insurance Program na magbibigay ng insurance at social protection sa mga manggagawa o empleyadong mawawalan ng trabaho.

Facebook Comments