Bayanihan 3, tinalakay na sa Kamara; Libu-libong trabaho at pagtaas sa GDP sa 2021, inaasahang resulta nito

Tinalakay na sa House Committee on Economic Affairs ang dalawang panukala para sa pagkakaroon ng Bayanihan 3.

Kumpiyansa si House Ways and Means Chairman Joey Salceda na sa ilalim ng House Bill 8059 o Bayanihan to Rebuild as One Act ay tataas ang GDP baseline ng bansa sa 2021 sa 1.90% at magreresulta ito sa 78,000 na trabaho.

Pangunahin target na tugunan sa bersyon ng Bayanihan 3 na inihain nila Salceda, Majority Leader Martin Romualdez at AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin ang bakuna laban sa COVID-19 at pagbibigay ng relief para sa mga kababayang apektado rin ng sunud-sunod na bagyo.


Sa P302 billion proposed budget sa Bayanihan 3 ay P75 billion dito ang ilalaan para sa procurement ng COVID-19 vaccine dahil sa kalagitnaan ng 2021 inaasahan ang mas malaking pangangailangan para sa bakuna, gamutan at recovery ng mga magkakasakit.

Samantala, P90 billion naman ang natukoy ng National Economic and Development Authority (NEDA) na pangangailangan para sa mga sinalanta ng kalamidad.

Ang House Bill 8031 o Bayanihan to Arise as One Act ni Marikina Rep. Stella Quimbo naman ay isinusulong ang dagdag na P400 billion para sa susunod na taon.

Kailangan aniyang gumastos ng malaki ang gobyerno sa susunod na taon upang matiyak ang muling pagikot, at tuluy-tuloy na pagbangon ng ekonomiya.

Aabot sa P400 billion ang dagdag na budget spending sa ilalim ng Bayanihan 3 ni Quimbo kung saan P330 billion dito ay para sa COVID-19 response habang P70 billion naman ay para sa disaster response.

Facebook Comments