Bigong makamit ng pamahalaan ang target na 1.8 milyong indibidwal na dapat sanang mabakunahan sa kakatapos lamang na Bayanihan, Bakunahan 4.
Sa datos na ibinahagi ni Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center Chief Myrna Cabotaje, nasa 836,162 doses lamang ang naiturok mula ika-10 hanggang 12 ng Marso.
Katumbas lamang ito ng 44.49% ng target na 1.8 milyong indibidwal.
Ayon kay Cabotaje, karamihan dito ay mga nagpabakuna ng second dose at booster shot habang mababa lamang ang nagpabakuna sa A2 category o ang mga senior citizen.
Sa naturang bilang, 202,915 doses ang nagamit sa first dose habang 359,546 ang para sa second dose at 273,701 sa booster shot.
Samantala, nasa 23,868 doses lamang ang naiturok sa mga senior citizen.
Itinurong dahilan ni Cabotaje sa mababang vaccination turnout ang pagiging kampante ng mga Pilipino kung saan iniisip nila na hindi na nila kailangan ng booster shot matapos makumpleto ang unang dalawang dose ng bakuna.
Kasama na rito ang pananaw ng mga matatanda na hindi na nila kailangan ang bakuna dahil hindi na rin naman sila magtatagal sa mundo.