Inanunsyo na ni dating Vice President Leni Robredo na magsisimula na ang “Bayanihan e-Konsulta” o libreng telemedicine services sa Lunes, July 25.
Muling inilunsad ang naturang programa sa ilalim ng non-government organization na “Angat Buhay” kung saan layon na tumulong sa COVID-19 patients at suspected cases sa iba’t ibang lugar sa bansa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanila ng volunteer doctors.
Ayon kay Robredo, tatakbo ang “Bayanihan e-Konsulta” mula Lunes hanggang Biyernes ng alas-otso ng umaga hanggang alas-kuwatro ng hapon, habang ang chatbot naman nito ay bukas mula Lunes hanggang Biyernes din ng 8:00 AM hanggang 12:00 NN.
Una na ring sinabi ni Robredo na nangangailangan sila ng mga volunteers kung saan umabot sa mahigit isang libo ang nakapagsign-up, wala pa sa kalahating oras matapos ang kaniyang anunsyo sa Facebook post nito.
Kaugnay nito, nagsagawa ng orientation at tasking ang team leaders ng “Bayanihan e-Konsulta” ng Angat Buhay bago ang pagsisimula nito sa nasabing petsa.
Pinangunahan ni Angat Buhay Executive Director Raffy Magno at ng Program Officer for Nutrition, Food Security and Universal Health Care na si Dr. Keisha Mangalili ang naturang aktibidad.
Matatandaang, nagsimula ang “Bayanihan e-Konsulta” nang sumirit ang COVID-19 cases noong Abril 2021 kung saan, bukod sa libreng konsultasyon ay nagbigay rin sa mga pasyente ng COVID care kits na naglalaman ng oxymeter, mga gamot, vitamins, thermometer at disinfectants.