Hiniling ng kongresista na maging prayoridad pa rin ng Kongreso ang pag-apruba sa Bayanihan To Recover as One Act kapag nagbalik na ang sesyon ng Kongreso sa July 27, 2020.
Ayon kay San Jose Del Monte City Rep. Florida Robes, nagawang magkaisa para aprubahan ng mga mambabatas ang Bayanihan to Heal as One Act kaya dapat ganito rin ang mangyari sa Bayanihan Law 2, mayroon o wala mang special session.
Una nang inaprubahan ng House Committee of the Whole ang House Bill 6953 at natapos na rin ang period of debate and sponsorship sa panukala bago nag-adjourn ang Kongreso.
Sa naunang inihaing resolusyon para palawigin ang Bayanihan Law, ipinunto ni Robes ang pahayag ng mga eksperto na mananatili ang banta ng COVID-19 hangga’t walang gamot o bakuna para rito.
Nakita rin aniya ang nangyari sa South Korea, Singapore, China at Japan na nagkaroon ng second wave ng impeksyon.
Kaya naman giit ng kongresista, kailangang tuluy-tuloy na maipatupad ang mga hakbang ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng sakit, makapagsagawa ng testing at magamot ang mga mahahawa ng virus, gayundin ang pagtugon sa epekto nito sa ekonomiya.