Cauayan City, Isabela- Pinarangalan ang dalawang pulis na nagbigay tapang at walang takot na paglilingkod makaraang maranasan ang hagupit ng Bagyong Ulysses sa lambak ng Cagayan.
Iginawad kay Patrolman Jayrick Talosig ng Ilagan City Police Station ang ‘Medalya ng Kadakilaan’ matapos nitong sagipin ang isang SK Chairman na si Arnel Talaue at si John Lloyd Calatayud habang tinatangay ng agos ng tubig dahil sa malawakang pagbaha.
Bukod sa kanya, pinarangalan naman ng ‘Medalya ng Kasanayan’ si Patrolman Bryan Bangayan ng PRO2 makaraang tulungan ang isang ginang na buntis habang kasagsagan ng pagbaha sa Cagayan.
Pinuri naman ni PRO2 Regional Director PBGen. Crizaldo Nieves ang mga pinarangalan at lahat ng PNP personnel dahil sa kanilang pagsisikap sa search, rescue and relief operations na ginagawa.
Nagpapatuloy pa rin ngayon ang ginagawang relief operations ng mga otoridad sa mga isolated barangays at munisipalidad sa Cagayan at Isabela.