Manila, Philippines – Personal na nakitaramay si PNP Chief PDG Ronald Bato Dela Rosa sa mga pamilya ng dalawang pulis na napatay sa engkwentro nitong nakaraang araw ng Huwebes.
Kinilala ang mga nasawing pulis na sina PSInsp. Alvin Kison, miyembro ng Intelligence Division ng Batangas PNP na kabilang sa PNPA Class 2014, at si SPO2 Edilberto Eje, miyembro ng Laurel PNP.
Ang 2 pulis ay napatay matapos na manlaban ang tinutugis nilang grupo ng mga kriminal sa Barangay Berinayan, Laurel, Batangas.
Unang tinungo ni Dela Rosa ang burol ni SPO2 Paje sa Purok 4, Brgy. Balete, Batangas City.
Sunod ay burol sa labi ni Senior Inspector Kison sa San Sebastian Cathedral, Lipa City, Batangas.
Sandaling nakipag-usap si General Bato sa mga pamilya ng mga nasawing pulis ay nagabot ng pinansyal na tulong.
Base sa imbestigasyon, nagsasagawa ng surveillance ang grupo ni Capt. Kison kasama ang mga miyembro ng local police sa lugar nang matunugan ng mga suspek ang kanilang presensya.
Nagkaroon ng ilang minutong habulan na nauwi sa pagpapalitan ng putok at naging dahilan ng pagkamatay ng dalawang pulis at dalawa sa mga suspek na kinilala namang sina Erwin Ariola at Darren Suarez na kapwa miyembro ng robbery holdap group.