BAYANING PULIS | Promotion, naghihintay para sa nakipagbunong babaeng pulis na sa holdaper sa loob ng jeep

Pasay City, Philippines – Dahil sa ipinamalas na katapangan, maaaring mabigyan ng promotion ang pulis na si PO1 Arnisah Achmad na nakatalaga sa Villamor PCP sa Pasay City.

Nag-iisa at walang takot na nakipagbuno si Achmad sa isang holdaper kagabi sa loob ng isang umaandar na jeepney.

Sa report ng Taguig PNP, pauwi na sana si PO1 Achmad sakay ng isang jeepney na patungo sa FTI Alabang, ngunit nang nasa may bahagi na ng east service road, biglang nagdeklara ng holdap ang suspek na si Dindo Dela Cruz at puwersahang kinuha ang cellphone ng babaeng pulis.


Nang magpakilala si PO1 Achmad, agad siyang pinaputukan ng suspek dahilan para gumanti na rin ito ng putok na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng suspek.

Ayon kay SPD Director Chief Supt. Thomas Apolinario, pasok sa meritorious promotion ang katapangang ipinakita ni PO1 Achmad kaya naman pinapaayos na niya ang mga dokumento ng pulis upang agad nang mabigyan ng promotion.

Facebook Comments