Bayaw, Mastermind sa Kidnap for Ransom Case sa Cagayan

Tuguegarao, Cagayan- Arestado ang tatlo habang tinutugis ang isa pa sa apat
na mga suspek sa pangingidnap sa isang 6 na taong gulang na bata sa
Lalawigan ng Cagayan.

Nasaksihan ng RMN Cauayan News sa isinagawang pulong balitaan ng Police
Regional Office 2 kaninang umaga, Marso 20, 2018 ang presentasyon sa media
ng PRO2 sa mga suspek na sina Manuel Orpilla, Noel Villaroza at Junjun Paragas

Ang mastermind na si Junjun Paragas ay kamag-anak ng kidnap victim dahil
ang ama ng bata ay bayaw mismo nito dahil nakababatang kapatid ito na
kanyang asawa.


Ang pang-apat na suspek na nakilalang si Euguene Alluvida ay kasalukuyan
pang tinutugis ng mga operatiba ng PNP.

Ang pagkakaaresto ng tatlo at pagkarecover ng kidnap victim ay sa
pamamagitan ng pagtutulungan ng mga operatiba ng PNP Anti Kidnapping Group,
PNP Cagayan, Tuguegarao, Solana, Alcala at Ballesteros.

Ang bata ay nakidnap sa Sitio Pag-asa, Sampaguita, Solana, Cagayan bandang
7:40 ng gabi noong Marso 14, 2018.

Humingi ang mga suspek ng P 500, 000.00 na ransom kapalit ng kalayaan ng
bata kasabay ng banta na kukunin at ibebenta ang lamang loob nito kung
hindi tutubusin.

Nagsagawa ang PNP Cagayan katuwang ang PNP Anti Kidnapping Group na
nakabase sa Kampo Krame at ilan pang mga PNP Units sa lalawigan ng case
conference at kanilang natantiya na ang nangidnap sa bata ay malapit sa
biktima.

Natanto ito matapos marinig sa pamamagitan ng telepono na walang bahid ng
takot sa boses ng kinidnap na bata.

Nagkaroon pa ng malalim na hinala dahil ang mastermind na si Paragas ang
huling nakasama ng bata bago ito nawala.

Si Paragas din ang nanggagalaiting sabihan ang pamilya ng bata na ibigay
ang hinihinging ransom.

Samantala sa mga isinagawang hakbang ang PNP at narescue ang bata noong
Marso 16, 2018 matapos abandonahin ito sa harapan ng kapitolyo ng Cagayan
ng mga suspek nang maramdaman na mayroong nagmamanman sa kanilang na mga
pulis.

Nakumpirma ang hinala nang mabasa ng tiyahin ng biktima sa cellphone ni
Paragas ang mga palitan ng mensahe sa mga iba pang suspek at mga larawan ng
mga kasabwat.

Agad namang nadakip bandang alas 10:00 ng umaga noong Marso 18, 2018 si
Noel Villaroza sa Masin, Alcala, Cagayan at bandang alas dos ng hapon sa
parehong petsa ay nahuli si Manuel Orpilla sa Centro, Ballesteros, Cagayan.

Sa isinagawang press conference kaninang umaga sa pangunguna nina PRO2
Regional Director PCSupt Jose Mario M Espino, PSSupt Warren Gaspar A Tolito
at iba pang opisyal ng PNP ay nagpasalamat ang Regional Director sa tiyahin
at kaanak ng kidnap victim sa kanilang ipinagkaloob na tiwala sa pulis na
siyang nakatulong sa agarang ikakalutas ng kauna-unahang Kidnap For Ransom
case sa Lalawigan ng Cagayan.

Tags: DWKD, iFM Cauayan, RMN Cauayan, Manuel Orpilla, Noel Villaroza, Junjun Paragas, Cagayan kidnapping, Tuguegarao City, Sitio Pag-asa, Sampaguita, Solana, Cagayan, PRO2,  PCSupt Jose Mario M Espino


Facebook Comments