BAYBAYIN NG BOLINAO AT ANDA, NAGPOSITIBO SA RED TIDE TOXIN

Nagpositibo sa red tide toxin ang meat samples ng mga shellfish products mula sa mga bayan ng Bolinao at Anda ayon sa pinakahuling pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 1, kahapon, Enero 15.

Bilang pag-iingat, inabisuhan na ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang tungkulin ng mga market inspector at quarantine officers sa pagtitiyak na may kaukulang Auxiliary Invoice ang mga manlalako na nagsasaad ng pinanggalingan ng produkto o Local Transport Permit mula sa BFAR para sa lahat ng produkto mula sa baybayin ng mga apektadong lugar.

Ang red tide toxin o paralytic shellfish toxin ay maaring maging delikado sa kalusugan ng sinumang makakakain ng mga lamang-dagat na kinapitan nito.

Matatandaan na nagpositibo sa red tide toxin ang dalawang parehong bayan noong Abril 2025, na tumagal ng ilang buwan, at bahagyang nakaapekto sa kabuhayan ng mga manlalako.

Pinapayuhan naman ang publiko na maging mapagmatyag at maingat sa mga binibiling produkto para sa kaligtasan.

Facebook Comments