Nanatiling positibo sa red tide toxin ang lahat ng uri ng shellfish at alamang na nakukuha mula sa baybaying-dagat ng Bolinao at Anda.
Batay sa pinakahuling abiso, nakitaan pa rin ng Paralytic Shellfish Poison o red tide toxin ang mga shellfish at alamang mula sa nasabing lugar.
Dahil dito, pinayuhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1 ang publiko na iwasan ang pagkain ng shellfish at alamang na nagmula sa mga nasabing lugar upang maiwasan ang banta sa kalusugan.
Kasabay nito, inatasan din ang mga mangingisda at nagtitinda na itigil muna ang pangunguha, pag-aani, pagdadala, at pagbebenta ng shellfish at alamang mula sa mga apektadong lugar hangga’t hindi pa inaalis ang opisyal na abiso.
Samantala, nananatiling ligtas kainin ang mga isda, pusit, alimango, hipon, at iba pang lamang-dagat na hindi kabilang sa shellfish, basta’t ang mga ito ay sariwa, tinanggalan ng laman-loob, at maayos na nilinis at hinugasan bago lutuin.
Patuloy naman ang pagbabantay ng BFAR sa kalagayan ng baybaying-dagat sa Bolinao at Anda, at maglalabas ng karagdagang abiso sakaling may pagbabago sa sitwasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










