Nanatiling positibo sa red tide toxin ang mga shellfish sa baybaying-dagat ng Bolinao at Anda, Pangasinan ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Sa pinakahuling Shellfish Bulletin, positibo pa rin sa Paralytic Shellfish Poisoning ang lahat ng uri ng shellfish at alamang o Acetes mula sa mga nasabing lugar, kaya hindi umano ito ligtas kainin.
Mahigpit na ipinapayo sa publiko na iwasan muna ang pagkain, pangunguha, pagbibiyahe at pagbebenta ng mga shellfish mula sa apektadong karagatan hanggang hindi pa inaalis ang babala.
Nilinaw naman ng mga awtoridad na maaari pa ring kainin ang isda, pusit, alimango at hipon mula sa mga lugar na ito, basta’t sariwa, natanggalan ng laman-loob, at nahugasan nang mabuti bago lutuin.
Patuloy ang monitoring ng BFAR sa mga baybayin at agad na maglalabas ng update kapag ligtas na muli ang mga produktong-dagat.










