‘BBB’, go kay Ping; ibang proyektong imprastraktura, titiyaking ‘di mapamuksa

Kung para sa kaunlaran ay hindi hahadlangan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang anumang proyekto sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ (BBB) program at mga land reclamation site basta’t ito ay balido at nakabase sa maingat na pag-aaral.

Ibinahagi ito ni Lacson sa kanyang pagharap sa ‘Panata sa Bayan’ Presidential Candidates’ Forum ng Kapisanan ng Brodkaster sa Pilipinas (KBP), na dinaluhan ng apat na iba pang presidential aspirant.

Yes. Kung perfected na ‘yung kontrata, hindi pwedeng hindi ipatupad. Nandiyan na ‘yan at ito’y para sa development,” tugon ni Lacson sa tanong kung ipagpapatuloy niya ang malalaking proyekto ng papatapos na administrasyon na may nakalaang malaking pondo, kung siya ang magiging susunod na pangulo.


Kabilang na rito ang Mindanao Railway project at ang pagbuo ng mga tulay na magkokonekta sa Island Garden City ng Samal at Davao City, gayundin sa mga isla ng Iloilo, Guimaras, Negros Occidental at Cebu sa Visayas.

“Kung naka-perfect na ‘yung kontrata diyan sa Mindanao, ‘yung railway [at] lahat ng kontrata, meron tayo diyan, [‘yung] tinatawag na inviolability ng kontrata, hindi pwedeng i-violate ‘yan,” saad ng presidential candidate ng Partido Reporma.

Gayunman, ipinaliwanag ni Lacson na plano niyang magkaroon ng ilang pagbabago sa ‘BBB’ at ibalik ang Public Private Partnership (PPP) na pamamaraan upang hindi na lubha pang lumobo ang utang ng bansa na maiiwan sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Pero dapat mag-shift na tayo papunta sa PPP (public-private partnership) kasi baon na tayo sa utang. Baka hindi tayo maka-afford ng BBB. Kailangan i-tweak natin na gamitin natin ‘yung ating mga lokal na mga industriya na willing namang makipag-partner sa ating gobyerno,” aniya.

Sinabi rin ni Lacson na magiging maingat siya sa paggawa ng desisyon hinggil sa mga panukalang land reclamation project dahil nauunawaan niyang nakabuhol ito sa isyung pangkalikasan. Aniya, ipapairal niya ang kanyang prinsipyo na magpasya batay sa sinasabi ng siyensya at datos mula sa mga pag-aaral.

“Babalik ako doon sa pinaka-basic na guidelines ko na sinusunod, ano, sa paggawa ng policy decision o maski anong decision—dapat science-based at data-driven. Ito ang pinaka-importante kasi hindi lahat… Hindi ito parang pwede mong i-apply sa buong kapuluan,” lahad ng presidential aspirant.

“May mga areas na baka kailangan talaga nilang mag-reclaim pero, again, dapat nakabase ito sa siyensya at saka sa mga datos. Kailangan ba talaga at ito ba’y makakasama sa environment? Sa ibang lugar naman talagang hindi pwede,” sabi pa ni Lacson.

Sinisiguro ni Lacson na magkakaroon ng mga konsultasyon sa mga indibidwal o grupo na may interes hinggil dito upang hindi magkaroon ng pang-aabuso at pantay ang magkakaroon ng benepisyo. Salig ito sa kanyang pagtataguyod ng maayos na pamamahala at paglaban sa katiwalian.

“Ito ang aking panata sa bayan: towards the end of my term as President, there should be no doubt in the mind of every Filipino that we are better off than when we started; that our people trust their government much better than ever before,” pangako ni Lacson.

Facebook Comments