Manila, Philippines – Iginiit ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na mahalagang maipaloob sa panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL ang pagkakaroon ng fiscal discipline para sa Bangsamoro region.
Pahayag ito ni secretary Dominguez sa huling pagdinig ukol sa BBL ng local government sub-committee na pinamumunuan ni Senador Migz Zubiri.
Paliwanag ni Dominguez, mahalaga na ang sistema ng pananalapi para sa BBL ay nakaprograma, bukas sa publiko, performance-based at phased o hindi biglaan.
Paliwanag ni Dominguez, ang ipapatupad na mga plano o programa sa BBL lalo na sa larangan ng turismo, infrastructure, health, agriculture at investments ay dapat malinaw at sigurado para maging epektibo ang paggamit sa pondo nito.
Ayon kay Dominguez, kailangang makita ng buong mamamayang Pilipino, kasama ang mga taga-Luzon at Visayas, na ang buwis na kanilang ibinabayad na ilalaan sa Bangsamoro region ay hindi masasayang.
Binigyang diin ni Dominguez na dapat ay walang gray areas o kalabuan sa buwis mula sa national at lokal para maiwasan ang gulo at kalituhan.
Sabi naman ni Senator Zubiri, may mga safeguards na ipapaloob sa BBL para matiyak na hindi makukurakot ang pondong ibubuhos sa Bangsamoro region.