Manila, Philippines – Dudulog na mamayang gabi ang liderato ng Kamara kay Pangulong Duterte para sa pinal na latag ng Bangsamoro Basic Law.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, ikukonsulta nila kay Pangulong Duterte ang mga pinagtatalunang probisyon ng BBL.
Kabilang sa mga idudulog sa Presidente ang opt-in provision kung saan itinatakda na pwedeng sumama sa sakop ng itatatag na Bangsamoro entity ang lalawigan na may 10% ng rehistradong botante na papabor sa plebesito.
Isa pa sa kumplikadong isyu sa BBL ay ang usapin sa fiscal autonomy na sinasabi ng ilang mga mambabatas na hindi pwedeng basta lamang igawad sa pamamagitan ng lehislasyon.
Sa BBL version na nakapasa sa komite sa Kamara, tatawaging Autonomous Region of Bangsamoro o ARB ang Bangsamoro entity kung saan magkakaroon ng sariling pwersa ng pulis at sundalo pero sasailalim pa rin ito sa superbisyon ng AFP at PNP atmay kontrol pa rin ang national government.
Sakaling sertipikahan ng Pangulo ang BBL pagkatapos ng pulong mamaya, bukas na bukas din ay ipapasa nila ang BBL sa ikalawa at ikatlong pagbasa.