Manila, Philippines – Iginiit ng Mababang Kapulungan na hindi na kakailanganin ang special session para mapabilis ang pagpapatibay ng Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ito ang iginiit ng liderato ng Kamara kasunod ng pahayag ni Pangulong Duterte na hihingin nito sa kongreso na mag special session para sa BBL.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, kakausapin nila si Pangulong Duterte para ipaliwanag na hindi na kailangan ang special session ng Kamara.
Kaya aniya ng Kamara na ipasa ang BBL sa buwan ng Marso sa susunod na taon o bago sila mag Holy Week break.
Ang kopya ng panukalang BBL ay naibigay sa Kamara ng Malakanyang noong nakaraang buwan kung saan sina Speaker Pantaleon Alvarez ang nagsilbing author nito nang ihain sa kapulungan.
Hanggang sa ngayon, ang BBL ay hindi pa naisasalang sa pagdinig bunsod na rin ng pagiging abala ng Mababang Kapulungan sa budget hearing at sa sunod-sunod na impeachment hearings.