Hinimok ng kampo ni Vice President Leni Robredo si dating Senator Bongbong Marcos Jr. na tanggapin ang katotohanang natalo siya noong 2016 elections.
Ayon kina Atty. Beng Sardillo at Atty. Emil Marañon, mga abogado ni Robredo, nasa ‘mind conditioning game’ si Marcos nang paki-usapan niya si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen na mag-inhibit sa kanyang electoral protest.
Anila, tila ginagamit ni Marcos ang option na ‘atakihin’ ang isang mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman habang ang kanilang kampo na nais ipabasura na ang kaso.
Dagdag pa ng mga abogado ni Robredo, halos kaparehas din nito nang hilingin ni Marcos na mag-inhibit noon si Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa.
Hindi na nila ikinagulat ang hakbang ni Marcos na tila isang ‘trademark move’ na kung hindi niya makuha ang gusto niya ay titirahin nito ang integridad ng isang institusyon o ng isang indibidwal.
Nanawagan din ang kampo ni Robredo kay Marcos na ihinto na ang pagiging ‘spoiled brat’ at harapin ang reyalidad na nanalo sa kanya si Robredo.