Hinamon ng grupo ng mga magsasaka si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain sa bansa.
Sa harap ito ng nakatakdang pamumuno pansamantala ni Marcos sa Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Danilo Ramos, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), makakamit ng bansa ang pagiging food self-sufficient kung tutulungan ng gobyerno ang mga magsasaka na maparami ang kanilang ani.
Kaugnay nito, ipinanawagan niya sa susunod na administrasyon na magbigay ng P15,000 hanggang P20,000 na subsidiya sa kada ektarya ng kada rice farmer.
Ipinababasura rin ng grupo ang Republic Act 11203 o “Rice Liberalization Law” na nagpabaha ng imported na bigas sa bansa pero hindi naman napakinabangan ng mga consumer dahil nanatiling mahal ang presyo nito sa pamilihan.
Maging ang tulong na ipinangako ng gobyerno sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhance Fund ay hindi rin aniya naramdaman ng mga magsasaka.