Muling nanguna ang tambalan nina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte sa pinakahuling presidential at vice presidential survey ng Publicus Asia Inc.
Sa Dec. 6-10, 2021 Pahayag Q4 survey na nilahukan ng 1,500 respondents, nanguna sa mga presidentiable si Marcos na nakakuha ng 51.9%.
Sumunod si Vice President Leni Robredo, 20.2%; Manila Mayor Isko Moreno, 7.9%; Senador Bong Go, 3.9%, Senador Ping Lacson, 3.4%. at Senador Manny Pacquiao, 2.3%.
Sa vice presidential candidates, nanguna si Mayor Sara na nakakuha ng 54.8%.
Sumunod si Dr. Willie Ong, 11.2%; Senate President Vicente Sotto III, 11.0%; Senador Kiko Pangilinan, 9.7%; Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, 1.5, at Walden Bello, 0.7%.
Samantala, sa survey ng RMN na isinagawa noong Nobyembre 23 hanggang 29, 2021, tinanong ang 2,400 adult respondent edad 18 pataas na kung gagawin ang eleksyon ngayon, sino ang kanilang iboboto
Nakakuha si Marcos ng 55% na boto, habang tabla sa ikalawa at ikatlong pwesto sina Vice President Leni Robredo at Manila Mayor Isko Moreno na may tig-13% na boto.
Nasa ikaapat na pwesto naman ni Sen. Christopher “Bong” Go na may 8% boto; ikalimang pwesto si Sen. Manny Pacquiao na may 4% na boto; ikaanim si Sen. Panfilo Lacson na may 3% na boto.