BBM-Sara, suportado ng gobernador ng Tarlac

Panibagong endorsement ang nakuha ng tambalan nina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, at ito ay mula sa gobernador ng Tarlac na home province ni yumaong senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

Ginawa ni Tarlac Governor Susan Yap ang pag-endorso sa tambalang BBM-Sara nang mangampanya ang UniTeam sa lalawigan noong Sabado, matatandaang natalo si Marcos Jr. kay Vice President Leni Robredo sa Tarlac noong 2016 elections.

Gayunman, nilinaw ni Yap na ang endorsement ay kanyang personal na desisyon at hindi ng kanyang buong partidong kinabibilangan na Nationalist People’s Coalition (NPC), na wala pang ini-endorsong presidential candidate.


Ayon sa Tarlac governor, 14 na alkalde sa lalawigan ang sumusuporta sa BBM-Sara tandem, kasabay ng pagtiyak na maide-deliver nila ang 50 hanggang 60 percent na boto ng lalawigan sa election frontrunners.

Samantala, inihayag din ni Tarlac 2nd District Rep. Victor Yap, na miyembro rin ng NPC, na suportado ng mga miyembro ng kanilang partido ang Marcos-Duterte tandem.

Sinabi ng kongresista na si Marcos ang “best candidate” sa pagka-pangulo sa May 9 elections.

Inihayag din ni Rep. Yap na hindi iniwan ng mga Duterte ang Tarlac, sa pagsasabing nakinabang ang lalawigan mula sa Build, Build, Build program.

Facebook Comments