Umapela si Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President Vince Dizon sa budget hearing ng Senado na pondohan ng ₱229 million ang phase 1 ng pagpapatayo ng National Sports Academy.
Ayon kay Dizon, hindi ito napaglaanan ng pondo dahil noong inilalatag ang panukalang 2021 national budget ay hindi pa nalalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11470 o ang batas na nagtatayo sa National Sports Academy.
Sabi ni Dizon, susundin nila ang requirement na ibibigay ng Department of Education (DepEd) at Philippine Sports Commission (PSC) para sa target na opening nito sa taong 2022.
Samantala, inihayag din ni Dizon na noong Marso ay nakumpleto na ang bayad ng gobyerno sa Malaysian firm na nagtayo ng sports facilities sa News Clark City sa Tarlac na ginamit sa Southeast Asian Games noong 2019.
Nanindigan si Dizon na above board o walang anomalya sa kontrata ng BCDA sa Malaysian firm at ito ay sinang-ayunan ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC).
Tiniyak din ni Dizon na mababawi ang ₱9.5 billion na budget sa sports facilities dahil paparentahan ito na naudlot lang dahil nagkaroon ng pandemya.
Binanggit pa ni Dizon na mayroon na ring mga pribadong kompanya ang nag-aalok na mangalaga at magpatakbo sa pasilidad kung saan kahati ang gobyerno sa kita.