CAUAYAN CITY- Maigting na isinusulong ng pamunuan ng Agricultural Training Institute-Regional Training Center 02 ang pagiging responsable sa pagkonsumo at paggamit ng bigas sa Lungsod ng Cauayan.
Matagumpay na ginanap ang Launching Ceremony at Color Run bilang bahagi ng 2024 National Rice Awareness Month kahapon ika-4 ng Nobyembre na dinaluhan ng iba’t-ibang sangay ng gobyerno.
Sa panayam ng IFM News Team kay Information Services Center focal person Aileen Shaye Fontanilla, layunin ng aktibidad na maipabatid sa mga mamamayan ang kahalagahan ng bawat butil ng bigas at maging responsable sa pagkonsumo nito lalo na at nagsilipana ang mga unli rice ngayon.
Aniya, isinusulong din ng kanilang hanay ang pagkain ng red at brown rice bilang alternatibong pamalit sa nakasanayang white rice na kapag nasobrahan ay nagiging dahilan ng pagkakaroon ng sakit na diabetes.
Dagdag pa niya, nasa limang daang kilo ng brown at red rice ang target nilang maipamahagi sa probinsya ng Isabela kung saan dalawang daang kilo rito ay naipamahagi na sa ilang mamamayan ng Cauayan.
Samantala, nagpapasalamat naman si Aileen Shaye Fontanilla sa mga ahensyang sumuporta at nakiisa sa kanilang aktibidad.