Beat Patrol System, Pinaigting ng PNP Mallig para Iwas-Krimen!

*Cauayan City, Isabela- *Mas lalong pinaigting ngayon ng PNP Mallig ang kanilang ‘Beat Patrol System’ upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente sa kanilang nasasakupan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Captain Saturnino Aggabao, OIC ng PNP Mallig, Isabela, kanyang sinabi na bumaba ngayong taon ang mga naitatalang insidente sa kanilang nasasakupan kumpara noong taong 2018.

Sa ilalim ng kanilang Beat Patrol System ay mayroon silang ‘Foot Patrol at Mobile Patrol’ na nakatalagang mag-ikot at magbantay sa kani-kanilang area.


Sa pamamagitan ng kanilang sistema ay sila na ang lumalapit sa mga tao upang kumustahin at ibigay ang kanilang hotline number upang matiyak na may tatawagan ang mga residente kung sakaling magkaroon ng hindi magandang pangyayari.

Kabilang rin sa kanilang ‘best practices’ na dahilan ng pagbaba ng krimen at insidente sa kanilang nasasakupan ay pagsasagawa ng bente kwatro oras na pagbabantay lalo na sa mga inuman at gotohan, checkpoint, at mahigpit na pagpapatupad sa curfew hour para sa mga menor de edad.

Dagdag pa ni P/Capt Aggabao na karaniwan sa kanilang nirerespondehan ay vehicular accident na kinasasangkutan ng mga lasing na nagmamaneho ng motorsiklo.

Kaugnay nito ay kanila namang pinapaalalahanan ang mga magulang na huwag payagang magmaneho ng motorsiklo ang mga anak na menor de edad lalo na kung walang lisensya o anumang kaukulang dokumento.

Facebook Comments