Beauty queen na si Catherine Camilon, sinaktan umano ng pulis na karelasyon dahil gusto na nitong makipaghiwalay

Sinaktan umano si Catherine Camilon ng pulis na kanyang karelasyon na isa rin sa mga suspek sa pagkawala ng dalaga.

Ayon kay Criminal Investigation and Detecion Group (CIDG) Region 4A Chief PCol. Jacinto Malinao Jr., pisikal umanong sinaktan ni Major Allan de Castro si Catherine matapos sabihin sa asawa ng pulis na mayroon itong ibang karelasyon.

May impormasyon din ang CIDG na balak ng makipaghiwalay ni Catherine kay Major de castro na posibleng dahilan kaya nagkita ang dalawa kung saan kalaunan ay nawala na lamang bigla ang dalaga.


Pero ayon kay Col. Malinao batay sa sinabi sa kanya ni Major De castro, hindi sila nagkita ni Camilon at nasa kampo umano sya sa Batangas provincial police office nang mapaulat ang sinasabing pagkawala ni Catherine.

Kahapon, matatandaang sinampahan ng reklamong kidnapping at serious illegal detention si Maj. De castro at tatlong iba pa.

Kabilang sa ebidensya ang umano’y pag uusap nina Camilon at de Castro bago ang kanyang pagkawala at pahayag ng testigo na may isang duguang babae na nakitang binubuhat ng kasamahan ni de castro at isinakay sa isang SUV.

Sa nasabing SUV nakita ang hibla ng buhok at bakas ng dugo na sinusuri na ngayon ng Forensic group ng Philippine National Police (PNP).

Facebook Comments