Inihayag ng Department of Health (DOH) na nasa safe level pa rin ang bed occupancy sa bansa sa kabila ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa datos ng DOH, umaabot pa lang sa 17.2 percent ng halos 30,000 hospital beds ang nagagamit sa kasalukuyan para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Katumbas ito ng 5,201 na okupadong kama habang nasa 24,379 naman ang bakante.
Mula ito sa 1,927 na pasilidad na ginagamit ng DOH sa buong bansa.
Sa datos pa ng DOH, 437 mula 2,964 na Intensive Care Unit (ICU) beds naman ang okupado habang 4,764 mula sa 27,260 na non-ICU beds ang nagagamit na sa ngayon.
Nasa 239 mula sa 2,680 na mechanical ventilators ang nagagamit para sa mga pasyente.
Umaabot rin sa 22.6 percent ang bed occupancy rate sa Metro Manila na katumbas ng 1,171 mula sa inilaang 4,682 na COVID-19 beds.