Beep card para sa mga bus dapat libre, ayon kay Senator Recto

Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa gobyerno na balikatin ang bayad sa beep card para sa mga pasahero ng bus na bumabiyahe sa kahabaan ng EDSA.

Ayon kay Recto, kung P80.00 ang halaga ng isang beeb card, ang isang milyong piraso nito ay aabot lang sa 80-million pesos mula sa budget ng Department of Transportation o DOTr.

Ipinunto ni Recto na kayang kaya ito ng pamahalaan na gumagastos ng bilyun bilyong piso para sa tulungan ang mga korporasyon na pag-aari ng mga mayayamang negosyante.


Pwede rin naman ayon kay Recto na ilibre na lang ang beep card ng kompanyang gumagawa nito hanggang sa katapusan ng taon o hanggang may pandemya.

Pabor si Recto na gawing cashless o electronic ang paraan ng pagbabayad ng pamasahe para sa mga bus pero giit niya hindi ito dapat magdulot ng hindi makatwirang gastos sa mga pasahero.

Sa budget hearing ng Senado, ay tiniyak naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade na pag-aaralan nila kung maaring kunin ang budget para sa beep card mula sa pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Ipinaliwanag pa ni Tugade na pribadong kompanya ang gumagawa ng beep card na ang pumili ay mga bus operators mismo.

Facebook Comments