SA LOOB LAMANG NG TATLONG BUWAN ngayong taon, dalawang beses itinaas ng PhilHealth ang benepisyo nito sa hemodialysis na aabot na sa P1 milyon kada taon kada pasyente. Unang ipinatupad ng PhilHealth noong Hulyo ang umento mula P2,600 sa P4,000 kada sesyon, at ngayong Oktubre ay itinaas pa sa P6,350.
Inilathala at epektibo noong Oktubre 9, 2024 ang PhilHealth Circular No. 2024-0023, ang polisiyang nagtataas sa nasabing pakete para sa mga miyembro at qualified dependents nila na may chronic kidney disease stage 5 (CKD5). Maaari nilang magamit ang pinagbuting benepisyo sa alinmang accredited dialysis facility na malapit sa kanila.
“Ito ay patunay na hindi lamang nakikinig ang PhilHealth sa hinaing ng ating mga miyembro. Tinutupad namin ang aming pangako para makatugon ang ating mga benepisyo sa pangangailangan ng mga pasyente na siyang layunin ng Universal Health Care Law”, pahayag ni Emmanuel R. Ledesma, Jr., Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth.
Binigyang-diin ni Ledesma na sa kabila ng pagtaas ng reimbursement rate ng PhilHealth na P4,000 kada sesyon noong Hulyo ay nakatatanggap pa rin sila ng ulat ng mga pasyenteng malaki pa rin ang binabayaran sa kanilang dialysis. “Layunin naming mawala na ang anumang bayarin sa mga serbisyong kailangan nila, dapat maramdaman nila nang lubos ang kanilang benepisyo.”
Nagpasalamat din siya sa PhilHealth Board of Directors sa pamumuno ni Health Sec. Ted Herbosa sa mabilis na pag-apruba sa umento sa benepisyo na walang dagdag-bayad sa pasyente. Paliwanag pa ni Ledesma, nakatulong din nang malaki ang kooperasyon at suporta ng mga nephrologists at dialysis centers para masigurong wala nang co-payment ang pasyente sa tuwing nagda-dialysis.
Sa pagtaas sa P6,350 kada sesyon, aabot na ang benepisyo hanggang P990,600 bawat taon. Ito ay mula sa P624,000 sa dating P4,000 kada sesyon.
Isinaad din sa nasabing Circular ang mga serbisyong dapat ibigay sa mga pasyenteng may CKD5. Kasama rito ang anti-coagulation medications at gamot sa anemia, iba’t ibang laboratory tests, mga supply gaya ng dialyzers, hemodialysis solutions at isang dialysis kit kada sesyon. Sakop din ng pakete ang paggamit ng dialysis machines, pasilidad, utilities, at sweldo ng mga kawani ng pasilidad. Ang lahat ng serbisyong ito ay dapat ma-avail sa lahat ng accredited public at private hemodialysis facilities sa bansa.
Samantala, ang mga pasyenteng mangangailangan naman ng karagdagang serbisyo na hindi kasama sa minimum standard of care na itinakda sa Circular ay maaaring magkaroon ng dagdag-bayad. May itinatakda ring hanggang P450 na limit para sa professional fees sakaling mangailangan ng karagdagang serbisyo tulad ng telemedicine at/o agarang interbensyon para sa komplikasyon habang nasa sesyon ng dialysis. Ayon sa PhilHealth, dapat linawin ito ng pasilidad sa pasyente.
“Magandang balita para sa aming mga dialysis patient ang pagtaas ng dialysis package na handog ng PhilHealth”, ito naman ang nasabi ni Roseanne Lappay, isang CKD 5 patient mula sa Tabacalera, Pateros.
Patuloy namang pagtitiyak ni Ledesma sa lahat ng mga miyembro ng PhilHealth, “Kapag ipinangako namin, ginagawa po namin sa PhilHealth. Kaya ang panawagan ko sa lahat ng Pilipino, huwag na po kayong matakot sa pagpapagamot dahil sagot kayo ng PhilHealth!”