Mangangailangan pa ng sapat na panahon bago maramdaman ng bansa ang benepisyo ng Maharlika Investment Fund (MIF) Act.
Ito ang inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kasama sa makasaysayang paglagda ni Pangulong Bongbong Marcos sa MIF Law.
Ayon kay Zubiri, aabot ng ilang taon bago maramdaman ng mga Pilipino ang benepisyo ng batas dahil mga infrastructure projects ang itatayo.
Inihalimbawa ni Zubiri ang ilan sa mga proyektong uunahin sa ilalim ng MIF Act tulad ng Cavite-Bataan Interlink bridge na kapag naumpisahan ay posibleng tumagal ng lima hanggang anim na taon o baka abutin ng 2028 hanggang 2029 bago matapos.
Oras naman na matapos ang proyekto ay dito na papasok ang kita ng MIF sa pamamagitan ng pagsingil sa tollways para sa mga dadaan sa tulay.
Nilinaw naman ni Zubiri na magiging katuwang ng Maharlika Investment Corporation sa pagbuo ng mga proyekto ang kasunduan sa pagitan ng Private Public Partnership (PPP) at iba pang investors at kung halimbawa 60 porsyento ang pagmamayari dito ng MIF ay iyon din ang porsyento ng kita na babalik sa Maharlika fund mula sa makokolekta sa toll road.
Inihalimbawa pa ng senador na kung mag-i-invest ang MIF sa NGCP na batid namang kumikita ng malaki, otomatikong magkakaroon din ng kita ang MIF sa pagsingil sa kuryente.
At dahil kakain ng ilang taon bago maramdaman ang epekto at benepisyo ng MIF, sinabi ni Zubiri na tiyak na ang makikinabang dito ay ang susunod na administrasyon.