Tiwala si Senator Mark Villar na hindi aabutin ng dalawang taon ay mararamdaman na ng taumbayan ang benepisyo ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Matapos ngang ma-certify bilang “urgent” sa Senado ang MIF Bill na in-adopt naman ng Kamara ay inaasahang malalagdaan na ito ni Pangulong Bongbong Marcos bago ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa July 24.
Ayon kay Villar, oras na maging ganap na batas ang Maharlika fund ay agad na sisimulan ang “implementation phase” at pagbuo ng organisasyon.
Aniya, magbubuno ng oras para sa pagbuo ng Maharlika Corporation at Maharlika fund pero kapag matapos na ito ay mag-uumpisa nang makahimok ng mga investments ang bansa mula sa mga mamumuhunan, lokal man o sa dayuhan.
Dagdag pa ni Villar, maide-deploy na rin ang capital sa Maharlika fund sa mga investment at dito na papasok ang kita na siyang ipantutulong naman sa iba’t ibang sektor at industriya ng ating ekonomiya.
Nakatitiyak ang senador na mabilis na kikilos ang Ehekutibo para sa pag-organisa ng Maharlika nang sa gayon ay agad na maramdaman ang mga benepisyong hatid nito sa ekonomiya.