Benepisyo ng mga healthcare workers, dapat matiyak na maibibigay pa rin kahit binawi na ang state of public health emergency sa COVID-19

Umapela si Health Committee Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa Ehekutibo na sikaping maibigay pa rin ang noon pa’y benepisyo sa mga healthcare workers.

Ang panawagan ng senador ay sa gitna na rin ng pagbawi ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr., sa state of public health emergency sa COVID-19.

Ayon kay Go, iginagalang nila ang desisyon ng pangulo at umaasang ito ay dumaan sa mga konsiderasyon ng kasalukuyang health issue at ang pangangailangan na tuluyang buksan ang ekonomiya.


Magkagayunman, hiniling ni Go na sa kabila ng pagbawi sa state of public health emergency sa bansa ay maibigay pa rin ang COVID-19 allowances at death benefits ng mga healthcare workers na walang pag-aalinlangan na nagbuwis ng buhay sa laban ng bansa sa COVID-19.

Giit ng mambabatas, meron o walang state of public health emergency ay dapat napunan ng gobyerno ang obligasyon nitong protektahan ang buhay ng mga Pilipino at ipagkaloob ang nararapat lalo na sa ating mga medical frontliners.

Facebook Comments