Pinatitiyak ng Kamara na ma-e-exempt sa election spending ban ang pondo para sa benepisyo para sa mga healthcare workers.
Hirit ni House Committee on Civil Service and Professional Regulation Chairman Frederick Siao, i-exempt o huwag isama sa election spending ban ang ilang mga piling programa na tumutugon sa pangangailangan ng public service ngayong may pandemya.
Isa na nga rito ang exemption sa paglalabas ng pondo sa hindi pa naipapamahaging Special Risk Allowance (SRA), kompensasyon at iba pang mga benepisyo ng mga healthcare frontliners.
Hindi aniya katanggap-tanggap sa mga healthcare workers na dahil sa election spending ban ay hindi maibibigay ang kanilang mga benepisyo.
Dagdag pa ng kongresista sa mga dapat i-exempt sa election spending ban ay ang pondo sa edukasyon tulad ng scholarships, financial assistance, remote learning, pondo para sa limited face-to-face classes at sa mga silid-aralan.
Inirekomenda naman ni Siao sa mga ahensya ng gobyerno na maaaga pa lang ay magsumite na sa Commission on Elections (COMELEC) ng abiso sa mga proyekto na sakop at hindi maaapektuhan ng election spending ban period.
Pinamamadali naman ng mambabatas ang ahensya sa pagtatapos ng mga proyekto at paggastos sa pondo para sa mga kinakailangang programa upang mapakinabangan na bago pa man ipatupad ang election spending ban.