Benito Soliven Water District, Humingi ng Paumanhin sa Naranasang Water Shortage

Cauayan City, Isabela- Humihingi ng paumanhin ang pamunuan ng Benito Soliven Water District sa naranasang kakulangan ng supply ng tubig sa ilang bahagi na nasasakupan ng naturang bayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr Leo Mamuad, pinuno ng Benito Soliven Water District, inamin nito na nakaranas ng water shortage ang kanilang bayan nitong panahon ng tag-init at simula nang ipatupad ang Enhanced Communiy Quarantine sa Luzon.

Ito’y matapos makatanggap ng sumbong at reklamo ang iFM Cauayan mula sa mga residente ng Benito Soliven, Isabela.


Paliwanag ni D. Mamuad, nasa 15,000 cubic meters ang dating nakokonsumo noong buwan ng Enero at Pebrero subalit mula nang ipatupad ang lockdown ay tumaas na sa 21,000 cubic meters dahil na rin sa dami ng mga gumagamit ng tubig.

Hirap din aniyang masuplayan ng tubig ang mga nasa matataas na lugar dahil sa mahinang pressure ng tubig.

Nakaapekto rin aniya ang lockdown dahil hirap din silang makagalaw o makabiyahe upang tugunan ang mga dapat na ayusin.

Mayroong apat (4) na pumping station ang Benito Soliven subalit hindi na aniya ginagamit ang isa na matatagpuan sa brgy Yeban Sur.

Ayon pa kay Dr. Mamuad, gumagawa na ang kanilang pamunuan ng paraan upang maresolba ang pagkakaroon ng kakulangan sa tubig dahil ipagpapatuloy na ang kanilang naudlot na proyektong paggawa ng karagdagang pumping station.

Dagdag pa nito, bukas lamang ang kanilang tanggapan mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon para sa mga may katanungan o nais makipag-ugnayan o di kaya’y tumawag sa kanilang hotline number na 09169810018.

Facebook Comments