Kumpiyansa si Agap Party-list Rep. Nicanor Briones na muling tatangkilikin ng taumbayan ang produktong karne ng baboy ngayong ber months.
Ginawa ni Briones ang pahayag matapos humina ang bentahan ng produktong baboy dahil sa takot ng publiko sa African Swine Fever o ASF.
Sa ginanap na convention on ‘Pork is Safe to EAT’ sa Pasay City, sinabi ni Briones na posibleng makatulong ang pagdating ng bakuna laban sa nasabing sakit.
Aniya, muli niyang iginiit na wala naman talagang epekto sa kalusugan ng tao ang nasabing sakit.
Dahil dito tiwala ang mambabatas na babalik ang malakas na bentahan ng baboy sa merkado ngayong holiday season.
Giit pa ni Briones, sa kasalukuyan ay mababa ang presyuhan ng pork product sa merkado dahil nasa P150 lang ang kada kilo nito sa farm gate kung saan umaasa siya na maraming mamimili ang tatangkilik nito.