BENTAHAN NG BULAKLAK SA CALASIAO AT MANGALDAN, BUKAS 24-ORAS NGAYONG VALENTINE’S DAY

Pinili ng ilang manlalako ng bulaklak sa Calasiao at Mangaldan na magbukas ng 24 oras ngayong Araw ng mga Puso upang matugunan ang inaasahang dagsa ng mamimili, sa kabila ng pagtaas ng presyo ng ilang bulaklak, partikular na ang rosas.

Ayon sa mga manlalako, mula pa sa Baguio City ang kanilang suplay ng bulaklak.

Dahil umano sa malamig na panahon doon at mataas na demand tuwing Valentine’s Day, tumaas ang presyo ng rosas na ngayon ay nasa ₱150 kada piraso.

Samantala, ang sunflower naman ay nagkakahalaga ng ₱100 bawat stem.

Si Aling Christine, na may flower shop sa Dagupan City, ay pansamantalang pumwesto sa gilid ng kalsada sa Calasiao simula pa noong Pebrero 11.

Aniya, 24-oras silang nagbukas upang mapalakas ang bentahan ngayong peak season.

Bagama’t naging matumal ang bentahan noong mga nakaraang araw, umaasa ang mga manlalako na babawi sila ngayong Pebrero 14.

Tumanggap na rin sila ng advance orders upang masiguro ang sapat na suplay at maiwasan ang kakulangan sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga bibili ng bulaklak. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments