
Nananatiling mababa at halos walang pinagbago ang presyo ng ilang mga ibinebentang bulaklak sa Dangwa Flower Market sa Maynila ilang araw bago ang paggunita ng Undas.
Ang mga bulaklak na nasa paso ay umaabot ng P100 hanggang P500.00 at ang kada tatlong piraso ng rosas ay nasa P100 – P150.00.
Ang mga orchids na mabenta tuwing Undas ay nasa P200 hanggang P500 kada bundle habang ang mga bulaklak o corona na may mga stand ay nasa P500 hanggang P2,500 ang halaga.
Karamihan sa mga bumibili ay umo-order via online o sa social media kung saan kanila na lamang itong ipade-deliver o daraanan at kukunin kung bibisita na sa sementeryo.
Maaari din naman ipa-pick up ang mga in-order na bulaklak sa mga ride hailing app upang hindi na maabala sa pagpunta sa Dangwa.
Muling iginiit ng mga vendors ng bulaklak na posibleng tumaas nang bahagya ang presyo ng kanilang mga produkto bago at mismong araw ng Undas.









