Bentahan ng Chevron share sa Malampaya kay Dennis Uy puwedeng ibasura — DOE

 

MAAARING ibasura ang pagbebenta ng Chevron Corp. sa 45-percent stake nito sa Malampaya na nagkakahalaga ng $565 million sa UC Malampaya LLC ni businessman Dennis Uy, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Energy Assistant Secretary Leonido J. Pulido III na nagkasundo ang mga partido na ang Chevron-Udenna deal na sinelyuhan noong March 11, 2020 ay puwede pang ipawalang-bisa kapag hindi ito inaprubahan ng DOE.

Binigyang-diin din ni Pulido na ang bentahan ay maaaring ipawalang-bisa bilang tugon sa katanungan ni Sen. Imee Marcos kung ito’y isang ‘incomplete sale’.


Nangangahulugan ito na ang divestment ng 45-percent Chevron equity sa Malampaya ay maaaring hindi matuloy nang walang pahintulot ng gobyerno.

Ayon kay Undersecretary Donato D. Marcos, sinusuri pa ng DOE ang Chevron-Udenna sale, gayundin ang financial at technical capability ng kompanya ni Uy na mapunta sa gas field operations.

Sinabi ng Udenna at Chevron na hindi sila saklaw ng Section 11 ng Presidential Decree (PD) 87, o ang batas na nagre-require ng DOE approval sa kanilang transaksiyon.

Pinagtibay ito ni Pulido sa pagsasabing, “the parties are bound by the joint operating agreement (JOA), which requires the concurrence of the consortium-members to the sale namely the Shell Philippines Exploration B.V. (SPEX) and Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC).” Pinayagan din ng Philippine Competition Commission (PCC) ang naturang transaksiyon.

Sinabi rin ng Udenna Malampaya LLC sa naturang pagdinig na ang loans para sa transaksiyon ay nakuha sa Australia New Zealand (ANZ) Banking Group at sa ING Bank.

Gayunman, iginiit ni Senate Committee on Energy Chairman Sherwin T. Gatchalian na ang Udenna-Chevron transaction ay isa nang done-deal, “and DOE is now just a footnote. DOE is just a probably a footnote, trying to complete the transaction. I don’t agree that there’s no violation.”

Binigyang-diin ni Gatchalian na may paglabag sa sale and purchase agreement (SPA) dahil wala itong pahintulot mula sa DOE.

Gayunman ay iginiit ni Pulido na sa kawalan ng pahintulot ng DOE, ang bentahan ay hindi maitututing na ‘final and concluded’.

Itinanong din ni Sen. Panfilo Lacson sa mga opisyal ng DOE kung magagamit ng state-run PNOC ang karapatan nito na bilhin ang share ng Chevron sa Malampaya sakaling mabigo ang bentahan sa Udenna at kung mauuwi ito sa legal challenge na maaari pang umabot sa Korte Suprema.

Sinabi ni PNOC President Reuben S. Lista na kasalukuyang pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad ng pagtataas sa stake nito sa Malampaya – at isinagawa ito kasama ang subsidiary nito, ang PNOC-Exploration Corporation, na kasalukuyang may hawak na 10-percent minority stake sa Malampaya project.

Gayunman, sinabi ni PNOC-EC President and CEO Rozzano D. Briguez na maaaring hindi handa ang kanilang kompanya na mag-take over sa gas field operations na kasing laki ng sa Malampaya.

Aniya, ang kompanya ay wala pang malawak na karanasan sa deep water gas field operations; at ang mayroon sila dati ay sa mas maliliit na scale onshore gas field venture sa pamamagitan ng San Antonio gas field.

“Technically and financially, we are not yet ready to take over such magnitude of operations,” pagbibigay-diin ni Briguez, at idinagdag na kakailanganin ang 10 pang taon para magkaroon ng ganoong karanasan, at kailangan muna nilang magkaroon ng aktuwal na involvement sa kahit dalawang large scale gas field projects, kabilang ang kanilang planong pagpasok sa Service Contract 57 sa Northwest Palawan kung kalaunan ay mauwi ito sa pagiging isang commercial scale discovery.

Facebook Comments