Bentahan ng ‘fake fertilizers’, pinaiimbestigahan ng Senado

Ipinasisilip sa Senado ni Committee on Agriculture Chairman Senator Cynthia Villar ang mga nagkalat ngayon na bentahan ng mga ‘fake fertilizers’ o pekeng abono.

Sa Senate Resolution 242 ni Villar, nais niyang malaman kung ano ang ginagawa ng Department of Agriculture (DA) at ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) ukol sa nagkalat na pekeng fertilizer na kapos sa kailangang sustansya para mapalago ang mga pananim.

Tinukoy sa resolusyon na sa unang bahagi ng 2022 ay tumaas ang presyo at naging manipis ang suplay ng fertilizer matapos na maapektuhan ang pakikipagkalakan sa Russia na malaking supplier ng mga pangunahing uri ng abono.


Sinundan ito ng mga ulat ukol sa pagkalat sa Pangasinan, Ilocos Norte, Cagayan Valley at iba pang lalawigan ng mas murang halaga ng abono para sa palay at iba pang halaman.

Ngunit batay sa mga pagsusuri sa mga samples ng mga murang pataba ay kapos sa nutrients o hindi ito tumutugon sa standards para sa abono.

Hinihiling din ang mahigpit na pagpaparusa dahil hindi sapat ang suspensyon at revocation ng lisensya o permit ng mga nagbebenta ng fake fertilizer dahil pineperwisyo ng mga ito ang mga magsasaka pati na ang buong sektor ng agrikultura.

Facebook Comments