Bahagi na ng nakagisnang tradisyon at kultura lalo na ang mga mananampalataya ng Simbahang Katolika ang pansamantalang hindi pagkain ng karne sa tuwing mahal na araw.
Kaugnay nito, umaasa ang mga tindera ng isda sa Dagupan City na lalakas ang bentahan ng mga fish products ngayong buwan ng Abril.
Sa ilang nakapanayam ng IFM News Dagupan, kadalasan ay lumalakas talaga umano ang bentahan dahil isda o gulay ang pinagpipiliang ulamin ng mga konsyumer sa panahong ito.
Ayon naman sa ilan, bagamat inaaasahan ang pagtaas sa kanilang benta ay dedepende pa rin ito sa suplay ng mga produkto.
Sa kasalukuyan, walang paggalaw sa presyo ng ilang mga fish products, seafoods at shell fish bagamat kung may pagtaas at pagbaba sa ilan ay bahagya lamang.
Maaaring nasa unang linggo umano ng Abril maranasan ang paggalaw ng presyo sa pagtaas ng demand nito.
Samantala, nananatiling matatag ang suplay ng ilang pangunahing isda sa pamilihan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨