BENTAHAN NG MGA BILOG NA PRUTAS SA DAGUPAN CITY, UNTI-UNTI NANG SUMISIGLA

Unti-unti nang sumisigla ang bentahan ng mga prutas sa Malimgas Public Market sa Dagupan City.

Bida sa mga puwesto at bangketa ngayon ang mga bilog na prutas na isa sa mga inihahanda tuwing papalapit ang bagong taon.

Kabilang sa mga patok na prutas ang pakwan na nasa ₱150-250 ang kada piraso, ang kiat kiat na ₱100 ang isang kilo, ang longgan na ₱200 kada kilo, at ang ubas na ₱200 per kilo ang seedless at ₱120 naman sa may buto.

Hindi rin mawawala ang ponkan na nasa ₱10 ang isang piraso, ang mansanas na naglalaro sa ₱20-35 kada piraso, at ang peras na ₱35 ang isang piraso.

Hindi man bilog ay mabenta rin ang pinya na ₱100-120 ang isang piraso at ang dragon fruit ₱150 ang isang kilo.

Ayon kay Aling Mercedes Mabahin, isang tindera, wala naman umanong masama sa paniniwala sa swerte ng mga bilog na prutas, lalo na’t tradisyon na ito ng mga Pilipino.

Aniya, hindi mahalaga na maraming maihanda, basta mayroon lamang laman ang hapag sa pagsalubong ng bagong taon.

Inaasahan naman ng mga manlalako na lalakas pa ang bentahan ng mga prutas habang papalapit ang bisperas ng bagong taon.

Facebook Comments