BENTAHAN NG MGA PAPUTOK SA DAGUPAN CITY, TINIYAK ANG PAGSUNOD SA MGA PAMANTAYAN

Tiniyak ng mga manlalako ng paputok sa bahagi ng AB Fernandez Avenue malapit sa Pantal River sa Dagupan City na dekalidad ang kanilang mga paninda at mahigpit silang sumusunod sa mga pamantayang itinakda ng mga awtoridad.

Ayon kay Ate Eunice, isa sa mga nagtitinda sa lugar, dumaan umano sila sa tamang proseso at kumpleto ang mga legal na dokumento bago pinayagang magbenta ng paputok sa nasabing lugar.

Dagdag pa niya, sumailalim din sila sa mga seminar upang masiguro ang ligtas at maayos na pagbebenta ng paputok.

Nakahanda rin umano ang fire extinguisher sa bawat pwesto bilang paghahanda sa anumang emergency, gayundin ang pagiging malapit ng lugar sa ilog upang madaling makakuha ng tubig sakaling may insidente ng sunog.

Nagbigay rin ng katiyakan ang pulisya sa pagpapanatili ng seguridad sa lugar at nakatakdang magtalaga ng presensya ng kapulisan sa nasabing bentahan ng paputok. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments