
Ipasisiyasat ni Senator Pia Cayetano ang tungkol sa napaulat na kaso ng pagbebenta ng mga sanggol sa social media.
Bunsod na rin ito ng mga ulat mula sa Commission on Human Rights (CHR) at Philippine National Police (PNP) na may mga sindikatong nang-aabuso para makumbinsi ang mga salat sa buhay na ibenta ang kanilang mga anak.
Iginiit ni Cayetano, hindi mga produktong ibinebenta ang mga sanggol at ito ay nangangailangan ng mabilis na pag-aksyon mula sa mga awtoridad.
Nais ng senadora na malaman sa pagdinig hindi lamang ang mga sindikatong nasa likod ng bentahan ng mga sanggol kundi pati na rin ang sistematikong kahinaan sa pagpapatupad ng batas na nagpapahintulot sa ganitong gawain.
Ipinunto ni Senator Pia ang kahalagahan ng ganap na pagpapatupad ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act kung saan ang pagbebenta at pag-aampon ng sanggol kapalit ng pera ay isang anyo ng human trafficking habang ang Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act naman ay ginagawang simple, abot-kaya at mabilis ang proseso ng adoption o pag-aampon.









