Inihahanda na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanilang bersyon ng panukala na magbibigay ng emergency powers sa Pangulo para labanan ang red tape.
Kasunod ito ng pag-apruba ng Senado sa Senate Bill 1844 na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte para pabilisin ang pagkuha ng mga dokumento sa gobyerno tulad ng lisensya, permit at certification tuwing mayroong national emergencies.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, welcome development ang pagsertipika bilang urgent ng Pangulong Duterte sa naturang panukala.
Nakikiisa rin aniya ang buong Kamara sa liderato ngayon ni House Speaker Lord Allan Velasco sa pagnanais ng punong ehekutibo na maipasa ang mga panukalang batas na tutugon sa red-tape at anti-corruption campaign ng pamahalaan.
Dagdag ni Romualdez na anumang delay sa release ng mga permits at iba pang dokumento ay maituturing na ring korapsyon na kanilang tutugunan sa lalong madaling panahon.