Bersyon ng panukalang Department of Disaster Resilience sa Senado, hiniling na aprubahan na rin ng mataas na kapulungan

Ipinapaprayoridad ni Speaker Lord Allan Velasco sa Senado ang pagpapatibay sa panukalang batas na lilikha sa Department of Disaster Resilience (DRR).

Ang panawagan ng Speaker ay kasunod na rin ng pagtama ng Bagyong Quinta sa bansa.

Ayon kay Velasco, aprubado na sa Kamara noon pang nakalipas na buwan ang panukalang DDR kaya naman hinihikayat nito ang mga senador na ipasa na ang kanilang bersyon upang makapagtrabaho na sila para sa enrolled bill na ipapadala naman kay Pangulong Rodrigo Duterte upang malagdaan at maging ganap na batas.


Paliwanag ni Velasco, kailangan na ng Pilipinas ng isang kagawaran na tututok sa disaster response dahil nasa Pacific Ring of Fire ang bansa na madalas nililindol bukod pa sa madalas ding dinadaanan ng mga bagyo.

Igiiniit ng pinuno ng Kamara na ang pagbuo ng DDR ay makatutulong sa bansa upang palaging handa at mabawasan ang epekto na dulot ng mga kalamidad lalo na at nasa kalagitnaan ng paglaban sa pandemya ang buong mundo na dulot ng COVID-19.

Sa ilalim ng bersyon ng Kamara, layunin ng DDR na magsisilbing national agency sa disaster preparedness, rehabilitation, rescue, response, recovery at reconstruction tuwing may kalamidad.

Facebook Comments