Bersyon ng Senado sa panukalang naglilibre sa buwis sa honoraria para sa mga nagsilbi sa halalan, ipina-a-adopt sa Kamara

Hiniling ni House Assistant Minority Leader France Castro sa mga kasamang kongresista na i-adopt ang bersyon ng Senado kaugnay sa panukala na maglilibre sa singil na buwis sa election service pay ng mga nagsilbi sa halalan.

Noong nakaraang taon pa inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 9652 habang ang Senate Bill 2520 ay inaabangan na mapagtibay bago ang “sine die adjournment” o pagsasara ng 18th Congress ngayong Miyerkules.

Sakaling maaprubahan ng Senado ang panukala, umapela si Castro na i-adopt at katigan ito ng Kamara para mapabilis ang proseso ng pagsasabatas.


Sa ganito kasing paraan ay hindi na kakailanganing dumaan at aprubahan pa sa bicameral conference committee ang panukala at agad itong maipapadala sa opisina ng pangulo para tuluyang malagdaan.

Panawagan ng kongresista na dapat lamang makuha ng buo ng mga guro ang kanilang bayad sa serbisyo sa katatapos na 2022 eleksyon.

Sa kasalukuyan ay mayroong 20% na ipinapataw na buwis sa honoraria ng mga poll worker.

Facebook Comments