Kinatigan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang bersyon ng Senado sa panukala na permanent validity ng birth, marriage at death certificate.
Ini-adopt ng Kamara ang Senate Bill 2450 bilang amyenda sa House Bill 9175, ibig sabihin ay hindi na ito dadaan sa bicameral conference committee at diretso na sa mesa ng pangulo para malagdaan at maging ganap na batas.
Sa ilalim ng inaprubahang panukala, ang mga certificates para sa live birth, death at marriage na inilabas, pinirmahan, sinertipikahan o authenticated ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ng pinalitan nito na National Statistics Office (NSO), at maging ng local civil registries ay “valid” na maituturing kahit anong petsa pa ito inisyu.
Sa oras na ito ay maisabatas, ang mga nabanggit na certificates ay kikilalanin at tatanggapin sa lahat ng government at private transactions o services bilang patunay ng pagkakakilanlan at legal status ng isang indibidwal.
Magkagayunman, hinihiling naman sa panukala na ang dokumento ay kailangang buo pa, nababasa at makikita pa rin ang authenticity at security features.
Ang sinumang indibidwal mula sa opisina ng gobyerno, pribadong kompanya, paaralan at non-government entities na lalabag kapag ito ay naging ganap na batas ay mahaharap sa multa na hindi bababa sa P5,000 at hindi naman hihigit sa P10,000 o pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan o kaya ay mahaharap sa parehong parusa.