Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Julio Maribbay, pinuno ng Cauayan Airport Police Station, nakamit ng kanyang pamunuan ang naturang parangal dahil sa kasipagan at teamwork ng kapulisan ng paliparan at sa tulong na rin ng mga stakeholders at ng publiko.
Bukod dito ay nagbigay diin din aniya sa kanilang pagkamit ng parangal ang magandang pamamalakad at implementasyon ng Cauayan Airport Police Station para sa kaligtasan at seguridad ng mga pasahero at empleyado ng paliparan.
Iginawad mismo ito ng bagong PNP Chief na si Police General Rodolfo Azurin Jr. kasabay ng ika-tatlumpu’t isang taong anibersaryo ng PNP AVSEGROUP na ginanap sa NAIA Complex, Kalayaan Road Extension, Pasay City.
Ayon pa kay Maribbay, malaki aniya ang kanyang pasasalamat sa nakuhang parangal kaya naman tiniyak nito na lalo pa nilang pagbubutihin ang pagbibigay serbisyo at pagsiguro sa kaligtasan ng mga mananakay at ng buong paliparan.
Bagamat nananatiling payapa ang buong paliparan ay hindi pa rin aniya sila nagpakampante kundi lalo pang pinapaigting ang mga ginagawang best practices gaya ng pagsasagawa ng Simulation Exercise o SIMEX, Bomb Awareness Seminar and Prevention Tips, Outreach Activity, clean up drive, Oplan Bandillo o Rekorida at pamamahagi ng mga IEC materials.
Mensahe naman nito sa publiko lalo na sa mga pasahero na sumunod lamang sa mga patakaran na ipinatupad ng paliparan at agahan ang pagpunta sa airport para hindi ma-delay ang flight.