‘BEST DECISION’ | SOJ Aguirre, pinagbibitiw na sa pwesto bago pa man masibak ng Pangulo

Manila, Philippines – Hinamon ni Magdalo PL Rep. Gary Alejano si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na mag-resign na ngayon sa pwesto.

Ito ay kasunod ng balitang plano nang sibakin sa pwesto ni Pangulong Duterte si Aguirre sa DOJ.

Ayon kay Alejano, bago pa man siya patalsikin sa pwesto ay kusa na itong magbitiw.


Ito aniya ang best decision na magagawa ni Aguirre lalo pa`t sabit ang Kalihim sa mga iregularidad sa ahensya.

Kabilang dito ang paggamit sa mga drug lords para makaladkad si Senator Leila de Lima sa drug trade sa NBP, ang pagkakasangkot ni Aguirre sa bribery scandal sa Bureau of Immigration, pagpapawalang sala sa mga sangkot sa pagpapalusot ng iligal na droga sa Customs, pagdedesisyon na gawing state witness at isailalim sa Witness Protection Program ang utak ng pork barrel scam na si Janet Lim- Napoles, pagpapalaya sa mga self-confessed druglords na sina Peter Co, Kerwin Espinosa, at Peter Lim at marami pang iba.

Iginiit pa ng kongresista na paimbestigahan ang mga kasong nabanggit para malaman kung may ayusan at iba pang paglabag sa batas sa ginawa si Aguirre.

Sakaling mayroong paglabag sa batas si Aguirre, hindi lamang pagsibak kundi dapat ay maparusahan ito.

Facebook Comments