Pinag-aaralan pa ng House Ways and Means Committee na pinamumunuan ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda, ang pagbalangkas ng pinakamahusay na panukalang magpapataw ng dagdag na buwis sa junk food o maaalat na pagkain.
Sinabi ito Salceda, kasunod ng pahayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na itinaas ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang 2024 national budget dahil sa inaasahang pagpapatupad ng dagdag na buwis sa mga matatamis na inumin at maaalat na junk foods.
Paglilinaw ni Salceda, hanggang ngayon ay wala pang isinusumite sa Kamara ang Department of Finance (DOF) o ang Department of Health (DOH) na formal proposal ukol sa junk food tax.
Binanggit ni Salceda na bukod dito ay wala pa ring natatanggap ang komite na panukalang batas mula sa DOF para naman sa pagbubuwis sa matatamis na inumin.
Ayon kay Salceda, sa ngayon ay prayoridad na tinutukan ng komite ang pagbubuwis sa mga mayayamang Pilipino sa bansa.
Dagdag pa ni Salceda, mas uunahing talakayin ng komite ang “motor vehicle user taxes” lalo sa mga mabibigat na behikulo at luxury goods bago ang panukalang itaas ang buwis sa mga pagkain.