Inatasan ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. na siya ring chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga regional directors ng Office of Civil Defense (OCD) sa bansa na gamitin ang kanilang best judgement pagdating sa pagtugon sa kalamidad.
Katulad na lamang aniya sa Bagyong Marce na may “cone of uncertainty” kung saan ang pagbabago sa intensity ng bagyo ay maaaring makapagbago sa prediksyon na inaasahan ng mga responders.
Kaya atas ni Teodoro sa mga regional directors na huwag matakot magkamali sa kanilang estimation o best judgement sa panahon sa kanilang lugar, basta’t ang pagkakamali ay nasa panig ng kaligtasan ng lahat.
Samantala, hinimok naman ng kalihim ang publiko na bigyang prayoridad ang kanilang kaligtasan sa panahon ng kalamidad.
Sa ngayon, patuloy ang pamahalaan sa paghahanda sa posibleng maging epekto ng Bagyong Marce.
Una nang ipinag-utos ni Teodoro sa mga local chief executives na magpatupad ng force evacuation sa mga lugar na mahirap abutin ng tulong lalo na sa mga malalayo at liblib na mga lalawigan.