(BABALA: SENSITIBONG VIDEO)
QUEZON CITY – Patay ang isang retiradong sundalo na sinasabing may mental disorder makaraang barilin ng isang pulis na kasamang nagbabantay sa quarantine checkpoint sa Brgy. Pasong Putik, Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang napaslang na si Corporal Winston Ragos, 34 taong gulang, na residente sa naturang lugar.
Sa video, makikitang nakatalikod at nakataas ang kamay ni Ragos habang sinisigawan ng isang pulis na dumapa.
Sumabit imbis na sumunod, nauwi sa matinding komprontasyon ang pagharap ng dating miyembro ng Philippine Army sa mga kabarro.
Ilang sandali pa, hinawakan ng biktima ang sling bag niya na tila nag-akmang may bubunutin.
Doon na siya binaril ng dalawang beses ni Police Master Sergeant Daniel Florendo Jr.
Naisugod pa si Ragos sa Commonwealth Hospital ngunit binawian din ng buhay kinalaunan.
Batay sa pagsisiyasat ng QCPD Station 5, may narekober umano na .38 baril sa bag ng retiradong militar.
Dagdag ng awtoridad, lumapit si Ragos sa quarantine checkpoint at bigla raw nagalit sa mga police trainee na sina Joy Flaviano at Arnel Fontillas Jr. dahil tinitignan nila ito ng masama.
Ang insidente, kaagad na ipinagbigay-alam ng dalawa kay Florendo.
Sinubukan ng mga pulis na kausapin at pauwiin ang sundalo pero hindi raw ito sumunod, dahilan para magkaroon daw ng tensiyon.
Itinanggi naman ng naulilang pamilya na nanggugulo sa checkpoint at armado ito.
“Makiki-cr sana si Sir Flaviano subalit nakita niyang sumunod sa kanya ang aking tito na may Traumatic Disorder at akalang may kahina-hinalang kilos.”
“Maya-maya dumating si sir Florendo at tinutukan ng baril ang tito ko, kaya nagtaas ito ng kamay. Marami na po ang nagsasabi sa pulis na wag barilin at wala namang baril tito ko pero hindi nakinig, sabi pa nung isang pulis “papatayin daw niya tito ko kahit ganun daw na may diperensya ay wala silang pakielam,” saad ng pamangking si Fae Macahilig.
Bago tuluyang mag-retiro sa serbisyo, na-destino muna si Ragos sa Marawi City noong 2017.
Patuloy na iniimbestigahan ng awtoridad si Florendo na isinuko ang ginamit na service fire arm.